Tuesday, April 29, 2008

32% ang rating namin sa pilot ng KB!

Yey! Pinakamataas 'ata 'yon sa Saturday timeslot. Wiiiih!

Mukhang malakas si Galo kay Lord a. Kaw ba nagbulong kay Lord na pataasin ang rating namin para may next show uli ako? =)

Monday, April 28, 2008

Pagbalik sa Pagkabata




26 April 2008. Bern’s birthday. The day the original Aanimpipito reunited after She got married. The first time we saw her in her preggy look. The first time we fulfilled some of Bern’s wishes. One of which was visiting Manila Zoo. And the day we relived our childhood. Nice.

Pindotable.

Kahit konti na lang ang mga kahayupan, maganda pa rin, sa tingin ko, ang Manila Zoo. Galing kasi kami dun ng barkada kong Aanimpipito nung Sabado. Dream come true ito for birthday girl Bern. Ni hindi kasi siya nakapag-field trip dito nung kinder siya. Kaya sinurprise namin siya. At least ako nakapunta dun kasabay ng pagbisita namin sa Mongol at Coke. Hehe!

Nakaka-miss talaga maging bata.

Naisip ko, nami-miss kaya ni She maging bata ngayong may bata na sa sinapupunan niya? 5 mos. na siyang preggy. At maganda siya magbuntis. Sabi nila, girl daw pag blooming ang buntis. Girl man o boy si Baby Badudz (Badudlet), tatanggapin ko pa rin siya bilang inaanak.

Kahit sandali lang, ngayon na lang uli kami nagkasama-sama ng walang karay-karay na boyfriends. Alone time namin. Katuwa. Sana maulit.

Aged 25-27: Panahon ng Kasalan (ewan ko rin kung bakit) *imbey*

Sabi kay She ni KC:

"Gusto kong makita si Eden na makasal... Masaya siguro... Kwelang-kwela..."

Ba't kaya niya nasabi 'yon? Di naman kami laging magkasama nung college para masabi niya 'yon. Di rin kami close, kabatian lang. Pero parang hindi naman kami masyadong nagchichikahan noon. Ba't kaya?

At anong ibig sabihin ng kwelang-kwela? As in Iskul Bukol? Skwelang kwela 'to, dito enjoy ako...


SI BAKLUSH

Nakakatuwa pa lang makadiskubre ng sikretong napaglipasan na ng panahon.

Ang buhay ko nung college ay para ring nung highschool. May mga barkada, may mga mean girls, may mga nerdy girls, at may mga boylets. Ang difference, konti ang boys na pagpipilian kesa nung highschool. Siguro trend na ito sa course na napili ko. Ang population ng boys noon ay namimiligro pa dahil sa invasion ng mga bading. Kaya may question mark sa noo lahat ng boys sa college ko.

Syempre pa, di ako pahuhuli sa pagkakaroon ng crush. Si Leonard ang crush ko noon. Pero no pansin ako sa kanya. Pano, ang trip niyang ligawan ay yung mga maiingay na girls sa kabilang room, mga Broadcasting. So crushing in silence ang drama ko noon.

Kasundo ko naman lahat ng boys sa room, all 10 of them. Kabiruan at kabungisngisan ganon. Pero di kami masyadong nakakapag-chikahan ng seryosohan. Kaya nga nagulat ako nung, lately, nagkachikahan sa text sina She, my friend, at KC, one of the boys. Si KC ang isa sa mga cuties—chinito siya. Kaso di namin siya nakasabay gumraduate dahil naging aktibista siya, na naging kaso rin ng most of the boys sa major ko. Alam naman natin na pag aktibista ata ay kailangang humaba ang tenure sa school. Anyway, di ko alam kung may balak pang gumraduate si KC pero nagtatrabaho na siya sa isang call center. May plano na rin siyang lumagay sa tahimik with her current girlfriend (good for him). Anyway, dahil napapag-usapan na rin nila ni She ang pag-aasawa, dahil may asawa na rin si She at due na manganak sa August, di ko alam basta napunta sa ‘kin ang usapan. Tapos nasabi nga ni KC 'yon.

Gulat ako. San galing ‘yon? Sabi ni She, bigla na lang daw ‘yon tinext ni KC. Out of the blue. Bakit? At ba’t niya nasabing magiging masaya ang kasal ko, at take note, kwelang-kwela pa? Na-weirduhan ako sa sinabi/prediction niya.

Ang huli kong encounter kay KC after college ay sa Friendster. Nag-message ako sa kanya about me planning a reunion for our batch. Tapos nag-reply siya ng “gusto ko tayong dalawa na lang…” Di ko na maalala kung anong ni-reply ko sa kanya pero parang na-cool-an siya sa ‘kin dahil sa reply ko. Di raw kasi ako pikon.

So dahil ba dun kaya niya nasabi ang prediction niya? Cool ako kaya kwela ang magiging kasal ko? Di ako maarte at parang one of the boys pa nga. Kaya ba niya ‘yon nasabi? Narinig ko na rin kay Carla, a blockmate din, ang comment na ‘yun, na cool nga ako. Pero di ko naman alam kung bakit ako cool. Di kami gaanong nagchihikahan ni KC nung college. Nagkakabiruan kami, oo, pero parang ganon lang. So question pa rin sa ‘kin kung ba’t niya nasabi ‘yon.

O baka gusto ko lang mag-solicit sa inyo ng comments kung paano ba talaga ako naging cool. Hehehe!

Actually, ‘yon lang talaga ang gusto kong malaman—kung ano ang cool sa ‘kin.

Narcissist?!


MGA SIKRETONG MALUFEEEET

Isa pang secret. Nalaman ko kung sino’ng may crush sa ‘kin nung college. Syempre, dahil sa tulong ni She, ang aking super-reliable na chikadora-friend. Ayon kay KC, may crush daw sa ‘kin si… Spork! Ang sabi pa niya, “malakas ang tama” nito sa ‘kin, di ko lang daw pinapansin. Sobrang di ko inaasahan ‘to. Malay ko ba naman e ang crush ko ay si Leonard na super-friend niya. Kabiruan ko si Spork noon at kaasaran. Pinapa-ring niya ang cel ko pag madaling araw para istorbohin ako sa pagtulog dahil taga-Bulacan pa ‘ko at kailangan kong maagang magising para bumyahe papasok ng school. Hanga ako ditong maggitara. Galing! Tapos hanga rin ako sa pagsusulat nito dahil nabasa ko ‘yung Friendster blog niya at pinagkalat ko kina Bern na magaling ito magsulat. Di ko alam na napaka-dense ko pala noon at di ko nahalata. O busy lang ako sa pagtingin kay Leonard kaya di ko siya nakita.

Hindi sa nanghihinayang ako na sana siya na lang ang naging crush ko para exciting naman ang college life ko. Sige na nga, nanghihinayang ako dahil sana siya na lang at hindi si Leonard ang naging crush ko. I guess, pwedeng sisihin dito ang pagiging mahilig ko sa gwapo.

O meron lang talaga akong malambot na puso para sa mga nagkaka-crush sa ‘kin. Alam ko kasi na excellent ang taste nila sa girls. Hehehe!


COLLEGE ULTIMATE CRUSH

Si Leonard naman na ultimate crush ko nung college, meron ding kwento (the best talaga si She). Chika ni KC, nega talaga ako kay Leonard dati, dahil nga sa iba nakatingin ang damuhong ‘to. Nung gumraduate na kami, saka lang niya ‘ko napansin. Anubanamanyan! Kung kailan wala na ‘ko sa school, saka niya lang ako nakita. Ano ‘yun, gumanda lang ako nung huli na? Anyway, nagkaroon na rin ng sagot ang tanong sa utak ko. After college kasi, pumupunta-punta rito sa bahay si Leonard para lang makipagkwentuhan. Ako naman si dense, di ko in-assume na panliligaw na ‘yon. E ‘yun na nga pala talaga ‘ko. Tapos pa, hinihimok ako nito na mag-change ng religion—‘yung religion niya na kay Bro. Eli. E di ko naman trip ‘yung ganon. Sabi nila Bern, baka ‘yun daw siguro ang way ni Leonard to get close. Nyak! Hanggang sa hindi na siya nagparamdam. Ako rin kasi, pinagtaguan ko siya.

Sorry. Hehe! Na-bore kasi ako sa’yo. ‘Tsaka di ko trip ‘yung mga beliefs mo, di lang sa religion ha, kundi sa iba pang mga bagay, like dreams, career goals and the like. Kaya ayun, sinasabi nila Papa wala ako kahit andito lang talaga ako.

Ngayon, married with a kid na si Leonard. Di ko na rin siya crush ngayon kahit pa ayon kay KC ay nadisgrasya niya lang ‘yung girl kaya pinakasalan. Ganon pala talaga, pag nakikilala mo talaga ang tao, nag-iiba ang perception mo sa kanya. Laging ganito ang kaso ko sa mga crush ko, pag nakilala ko na sila sa mas personal na level, nagbabago ang isip ko. Madaya ba? E ganon talaga e.


PUPPY LOVE?

Anyway, sa wakas, inamin na ni KC na crush niya si She dati. Pano ba naman, crush na crush siya ni She noon. Siya pa nga ang unang crush ni always reliable chikadora nung college. Kaso daw, di daw siya nanligaw kasi marami raw magagalit. Ewan ko kung maraming magagalit sa kanya o kay She. Ang magulo naman sa mga revelation niya, di raw niya alam na nanligaw si Mic kay She. Kasi, sabi raw ni Mic kay She, nagpaalam pa raw ito kay KC para manligaw. Ano ‘yun? Anlabo, di ba? Sino ang nagsisinungaling? Well, basted naman si crush ANG bayan kay She e, so wala na sigurong kaso kung di siya naging honest. Hehe!

Sunday, April 27, 2008

nabura ko ang multiply ko!!!

kainis talaga! imbis na yung bagong gawa ko ang mabubura, yung luma ang nabura. grr talaga! hassle kasi maghanap ng friends kaya ako naiinis. hmp!

Monday, April 14, 2008

Dear Galo

Anukabanaman! Ba’t naman wala kang pasintabi? Di ka man lang nag-warning. Ginulat mo kaming lahat. Sana man lang nagpaalam ka na aalis ka na para may pabaon man lang kami sa’yo. Ano ba naman ‘yung, “O, shalala, una na ‘ko. Kayo nang bahala diyan.” Pwede namang ganon. Kaso ‘yung ginawa mo, kailangan talaga may gulat factor, ‘no?

Tama ba namang pinauwi mo lahat ng mga utaw, tapos kami ni Danica pinababa mo sa lobby, tapos sina Tio at Ate Susan pinatulog mo, saka ka nag-goodbye to the world? Ang unfair mo. Parang tinrick mo kami dun ah. Dahil ba ayaw mong makita namin ang paghihirap mo? Dahil ba ayaw mong kaawaan at iyakan ka namin? Ayaw mo bang i-cheer ka namin habang nakikipaglaban ka kay Kamatayan? Ano ka ba! Kakampi mo kami! Noon mo kami kailangan! Naroon lang kami! Pwede kang humugot ng lakas sa ‘min! Pwede mo kaming abusuhin nun! Kulang pa nga ‘yon sa lahat ng nagawa mo para sa ‘min. Ba’t hindi mo kami tinake advantage? Papayag naman kami eh! Ba’t ayaw mo ng tulong?

Salbahe ka. Ba’t ka kasi nagpakita ng care? Ba’t kasi nagtiwala ka sa talent ko kahit ‘yung iba wala namang bilib sa ‘kin? Ba’t mo kasi pinaramdam sa ‘kin na magaling akong magsulat? Ba’t sobra ang paninindigan mo sa ‘kin? Naalala ko, sabi mo, magtatagal ako sa ABS kasi matiyaga ako. Ikaw lang ang naniwala na magtatagal ako dun. Sa totoo lang, nung nag-resign ako sa isang show, ikaw lang ang kinatatakutan ko. Natatakot ako sa sasabihin mong, “ba’t ka naggive up?” Pero hindi, hindi mo pala ‘yon sasabihin. Hindi ka pala magagalit. Naintindihan mo pala ako—na minsan, pwede rin akong mapagod. Kahit hindi ko sinabi sa’yo ang dahilan, hindi ka nangulit. Kahit hindi ko ma-explain kung bakit ako napagod, hindi mo ‘ko pinressure na sabihin ‘yon sa’yo.

Bakit kasi patient ka sa ‘kin, sa ‘min? Pwede namang magalit ka na lang nung hirap ka nang turuan ako at tanggalin mo na ‘ko sa show mo. Pero ba’t di mo ginawa? Ba’t nanalig ka pa rin sa ‘kin na kaya ko? Nakakainis ka, pinaasa mo ‘ko na kaya ko, naniwala ako na kaya ko dahil sa ‘yo, tapos iiwan mo lang ako ng ganito. Hindi ko na tuloy alam kung may maniniwala pa sa ‘kin gaya ng paniniwala mo. Hindi ko na rin alam kung pag may nagsabi sa ‘kin na kaya ko, eh maniniwala ako sa kanila. Ikaw lang kasi ang genuine na nagsabi nun. ‘Yung iba, hindi ko alam kung may motibo lang.

Tangina ka, hindi man lang ako nakapagpasalamat sa’yo. Pano, feeling mo, ka-chummy-han lang ‘yon. Ewan ko ba sa’yo. Puro lang tuloy sorry ang nasasabi ko sa’yo, wala man lang thank you. Hindi man lang ako nakapagpasalamat na sinave mo ‘ko mula sa pagiging unemployed. Na binigyan mo ‘ko ng Lastikman sa pangalawa kong buhay bilang scriptwriter. Ng Panday na naging baptism of fire ko. Ng Reyna ng mga puso na hindi na-approved pero nagbigay sa ‘kin ng hope na meron pang susunod na show after BKK. Ng Palos na na-shelved tapos nabuhay uli, pero hindi na ‘ko kasama. Naalala mo nung ibibigay mo na ‘ko sa ibang show? First time akong umiyak sa harap mo. Bad trip ka, pinaiyak mo ‘ko. Kasi naman, hindi na ikaw ang magiging headwriter ko nun. Takot na takot ako. Sino nang iintindi sa pagiging tahimik ko, sa kabanuan ko sa brainstorming, sa basura kong bato na nire-revise mo sa utak mo in an instant para magamit kahit element lang? Wala. Kasi wala kang katulad. Sino nang magagalit dahil wala akong sense of anticipation, na dapat nagti-think ahead? Sino nang maiinis dahil wala akong initiative mag-take down notes at magbasa ng scripts? Wala nang magpa-pop quiz. Wala nang magpapakape ng chili coffee after the meeting. Wala nang manlilibre ng lafang. Wala nang manlilibre sa taxi. Kamusta ‘yung puro mga panlilibre mo ang naiisip ko. Ba’t kasi hindi ka maramot? Sana naging salbahe ka na lang at walang care sa mga tao para hindi na masakit ang pagkawala mo.

Alam mo ba, na-touched ako ng sobra nung sinabi mo sa ‘kin na ako ang bestfriend mong babae sa ABS, bukod kay John na bestfriend mong lalaki, sabi mo pa. Hindi ko alam kung san nanggaling ‘yon, o hindi ko na lang maalala ang pinag-uusapan natin nun, pero ‘yun lang ang tumatak sa isip ko. Tingin ko naman, di mo ‘ko binobola nun kasi di naman ikaw ‘yung tipong nambobola. ‘Tsaka ano naman ang mapapala mo kung bolahin mo ‘ko, di ba? Hindi ko akalaing ganon ang tingin mo sa ‘kin kahit hindi tayo laging nagkikita o nag-uusap. Salamat ha. Salamat talaga.

Sana marunong kang mag-blog para naman, if ever bored ka na diyan sa kinalalagyan mo, makapag-surf ka naman sa net at mabasa mo ‘to. Wala na ‘kong means para maparating sa’yo ang pasasalamat ko eh. At least, naka-save na ‘to sa web. Kapag kasi dasal, baka busy ka at hindi mo marinig. I’m sure, busy ka ngayon sa mga ina-attend-an mong reunion diyan with your parents. ‘Tsaka curious ka pa sa mga nangyayari sa afterlife. Pa-observe-observe ka lang, tulad ng ginagawa mong pagsusuplado pag first time mong ma-meet ang tao. Siguro, ‘yung mga kape nila diyan, hindi nakakapaso, na sa sobrang init eh pagpupunitin mo ang dala mong script, tapos itatapon mo sa basurahan, then maaalala mo na nandun pala ‘yung mga comments ng mga direktor. Katawa ka talaga ‘no?

Pano na nga pala ‘yan, in heaven daw, there is no beer, in your case, margarita? Tsk-tsk!

Paglisan (a long overdue tribute)

Na-realize ko, kaya pala ng cellphone ko na mag-type ng ganito kahabang message. Walong txt ang rumegister sa Sent Messages ko.

Ito ang pagkahaba-haba kong txt sa lahat ng mga nagtanong kung ano’ng nangyari kay Galo.


Wednesday, March 5, nag-meeting sila Nix at Jason, creative team ng Palos, kina Galo. Maya-maya, pumasok si Galo sa kwarto niya. Inaatake. Nung sumilip sina Jason sa kwarto, nag-thumbs up lang si Galo habang nakahiga at nagpapahinga, ox daw siya. Kwento ni Manang Tessie, yaya ni Galo mula pa pagkabata na katulong nila ngayon, nakadipa daw si Galo sa higaan nung nakita niya na inaatake. Inupo daw nila para malagyan ng Vicks at masahiin. Tapos umokey na. Sabi daw ni Galo, nung mga panahong inaatake siya, wala daw siyang nakikita o naririnig, parang nawalan siya ng malay. Pero ox na siya ngayon.

Saturday, March 8, nag-SM sina Galo at Monique, anak ni Tio—asawa ni Galo. Namili sila ng rice cooker at lutuan ng pancakes. Mahilig kasi magluto si Galo, maeksperimento pagdating sa kusina. Kwento ni Monique, tinarayan pa nga raw ni Galo 'yung cashier na ginagawa lang naman ang trabaho nito. Ino-offer-an kasi siya ng SM Advantage Card. Eh hindi naman naniniwala sa ganon si Kalbo, maski SSS nga wala siya.

Kinagabihan, nahiga si Galo sa papag nila sa bahay. Presko kasi dun. Sumunod si Tio. Dun na lang daw siya sa sahig basta katabi si Galo. Hindi kasi nakakatulog si Tio nang di katabi si Galo. Tinaas pa niya sa sandalan ng papag ang right leg niya, pa-relax baga. Maya-maya, namanhid ang kaliwang binti niya.
Nasa Starbucks kami noon ni Dindo. Katatapos lang ng meeting namin at nagre-relax na. Naka-receive ako ng txt mula kay Mamu—Julie Ann Benitez, production manager ng Deo Unit. Forwarded from Tio. "Please pray for Galo. He's in critical condition." Tinext ko si Nix kung kelan kami dadalaw kay Galo sa ospital. Tumawag naman siya sa 'kin, umiiyak, natatakot. Hinihintay daw niya ang tawag ni Galo kung tapos na ang treatment ng week 9 ng Palos para i-script na niya. Nakatulog daw siya at di naabutan ang tawag ni Galo. Tumawag daw uli pero hindi sinasadyang na-reject niya. Pagtawag niya, si Tio na ang sumagot. Itatakbo na raw si Galo sa ospital dahil nga namamanhid ang binti. Nagpa-panic si Tio nun. Pagkababa ng phone, naghintay na lang si Nix ng gagawin. Sanay na kasi kami kay Galo na sakitin, dinadala sa ospital, inaatake tapos nakaka-recover naman. Naka-receive uli ako ng txt—VERY critical na raw si Galo. Tulala na 'ko kay Dindo. Pina-explain ko pa sa kanya ang meaning ng critical para sigurado. Sabi niya, 50-50. Di pa rin ako makapaniwala. Malakas at determinadong tao si Galo sa pagkakakilala ko.
Plano namin ni Nix dalawin si Galo kinabukasan. Kaso, gabi na rin kami nakadalaw kasi tinapos pa namin ang mga work—nag-revise pa si Nix ng week 8 script, ako gumawa ng Perry-Lance track ng Kapitan Boom for Komiks.

Dumating kami ng Heart Center ng mga 8pm, Sunday, March 9. Andaming aparato sa tabi ng kama ni Galo. Minamasahe ang mga binti ni Galo nina Ate Susan, bunsong kapatid ni Galo, at 2 boys na pamangkin ni Galo. Para siguro mag-circulate ang dugo. Nakatingin lang sa kisame si Galo, taas-baba ang ulo habang humihinga. Bukod sa respirator niya sa bibig, meron din siyang butas sa leeg. Naroon na si John, bestfriend ni Galo. Sinabi niya kay Galo na naroon na kami ni Nix. Hindi siya nag-respond. Sabi ni John, kaninang umaga pagdating niya, kinawayan pa siya at tinignan ni Galo, nagre-respond pa. Ngayon, hindi, pero conscious pa raw siya. Dumating na rin sina Mamu. Umiyak agad siya nang makita si Galo. Mataas ang BP ni Galo nun. Napansin ko yung machine na pangkuryente, yung ginagamit sa pang-revive—andun, may gel pa na nakadikit. Hinala ko ginamit. Natakot ako—kung ginamit, ibig sabihin, muntik mamatay?

Lumabas na kami ni Nix ng kwarto to make room for other guests. Andaming bumisitang mga friends, pati si Sir Deo. Tapos pumasok uli ako. Ang daming doctor. Narinig ko, sabi nung isa, "di ba nag-arrest 'to?" Nag-arrest? Ito ba yung medical term sa condition kung saan ginagamit 'yung machine pangkuryente tapos sasabayan ng sigaw na “Clear! Tsug! Tooot?” Nag-agaw-buhay nga ba si Galo? Syempre, kay Nix ko lang nasabi ang hinala ko. Alangan namang itanong ko kay Tio, salbahe ko naman nun. Sabi ni Nix, di naman daw siguro. Baka naka-ready lang. Ba’t naman naka-ready?! Ibig sabihin, may possibility na mag-agaw-buhay? Eh ba’t may tirang gel na nakapahid? Nag-argue pa kami nun.

Nilagyan ng tube sa bibig si Galo. Parang lumagpas sa lalamunan niya kasi para siyang naduduwal habang pinapasok ‘yung tube. Maya-maya, may lumabas na brown liquid. Mula ‘ata sa lungs niya ‘yon—may tubig ang lungs niya. Akala ko ba, ox na ‘yon, clear na ang lungs, eh ba’t ganon na naman? Nagka-spot siya sa lungs dati. Nagpa-doktor na siya at umayos na uli, luminis na kumbaga ang lungs niya. Kaso, after ilang months, o a year din ‘yon, bumalik uli siya sa pagyoyosi. Tigas-ulo.

Constantly, minamasahe siya, hoping na umayos ang circulation ng dugo niya. Sabi ng doktor, malapot na raw ang dugo niya. Diabetic kasi siya. Maraming sakit si Galo, matagal na naming alam ‘yun—sakit sa puso, namana niya sa tatay niya; diabetes, kinamatay ng nanay niya; lungs, siya na ‘ata ang may kagagawan.
Mga 12mn, wala nang mga bisita. Natira kami nina Nix, Tio, Ate Susan at ‘yung dalawang pamangkin. Bumaba muna kami ni Nix sa lobby para mag-work. Siya, gagawa ng treatment ng week 9 ep ng Palos, ako, pagpapatuloy ko ang assignment sa Komiks. Pero di ako makapag-work, di ako mapakali. Mga 1am, nag-aya akong magyosi sa labas, sa may gate ng Heart Center. Nagkape na rin kami. Kwentuhan kami ni Nix ng mga experiences with Galo, pangyayari sa Palos, etc. Tapos, mga 2am, umakyat na kami para kumustahin si Galo. Nasa hallway na kami nang tumawag si Papa Jake. “Asan kayo? Alam n’yo na ba? Patay na si Galo.” Nagulat kami. Di ako makasalita habang tumatakbo kami papunta kay Galo. Tangina talaga.

Pagdating namin, sinalubong kami ni Tio. Naiyak na lang sina Tio at Nix. Ako, di makaiyak. Hoping pa rin ako na hindi totoo ang lahat. Pagpasok namin sa room, naroon pa si Galo, bahagya pang bukas ang bibig at nakadilat ang mga mata. Di ako makalapit. Wala na dun ang ibang mga machine, pati ‘yung fibrilator. Tinawag ako ni Nix para lumapit. Inaayos na ng mga nurse si Galo. Binabalot na siya ng kumot. Mainit pa siya nung hinawakan ko ang braso niya. Gusto naming ipikit si Galo, pero di kami nagkalakas ng loob. Iniisip ko, para kay Tio ang moment na ‘yon. Kay Nix, hindi niya rin magawa, nakahawak lang siya sa ulo ni Galo. Nakita ko, may dugo sa kumot. Nagsuka ‘ata si Galo ng dugo. Pero wala na ‘kong lakas para magtanong kaninuman. Lumabas si Nix, di na niya nakayanan. Si Tio na nakasilip lang sa pinto, di na rin kinayang panoorin si Galo. Ako na lang ang umoo nung babalutin na ng tuluyan si Galo. 1.45am siya namatay, Monday, March 10.

Nakatulala lang ako sa bintana habang nakahawak sa hita ni Ate Susan. Gusto ko siyang i-comfort pero gusto ko ring sipain ‘yung bintana. Nasa baba lang kami kanina. Ba’t late kaming umakyat?

Sumama kami kina Tio sa bahay. Kailangan nila ng suporta. “Kamusta?” salubong ni Manang Tessie sa ‘min. Di kami makasagot ni Nix. Nag-txt brigade na kami sa lahat ng posibleng kakilala ni Galo na may number sa ‘min habang sinasabi na ni Tio sa lahat ang bad news. Nakita namin kung pano umiyak ang mga batang pamangkin na ampon ni Galo. Narinig namin kung pano pumalahaw ng iyak si Manang Tessie. Kami na sana ni Nix ang pupunta sa St. Peter para ayusin ang service for Galo kasi tumaas ang BP ni Tio. Pero wag na lang daw, sila na lang. Kinomfort na lang namin sina Monique at Manang Tessie, inaliw. Kinuwento nila ‘yung magagandang ginawa sa kanila ni Galo. Na parang may premonition na. Na nung xmas daw, pabirong sinabi ni Galo na huling xmas na niya ‘yon kaya gusto maganda lahat. Na nagpakwento daw ng mga masasayang bagay si Galo. Na nagpatugtog ng malakas at nagsayawan at nagkantahan daw sila bago nangyari ito. Na niyakap ni Galo si Tio ng walang dahilan nung isang araw. Etcetera. Nakakalungkot. Gising na si Marie, ‘yung batang pinakapaborito ni Galo. Alam na niya ang nangyari. Niyakap namin siya ni Nix tapos inaliw. Di ko siya nakitang umiyak.

Pagdating nina Tio, naupo siya sa may dining. Maya-maya, humagulgol. Napayuko na lang ako habang pinagmamasdan si Marie na nakatingin kay Tio. Nang mahuli niya ‘ko, ngumiti siya—ang tatag ng batang ‘yon. Inayos ni Tio ang flight to Samar. Dun dadalhin si Galo after ng 2-day wake niya sa QC. Dumating si Jason. Namili kami ng pagkain for the wake. Lahat ng kanta sa taxi nakakaiyak. Si Nix, iyak ng iyak. Ako, di makaiyak. Tinitignan ko lang ang mga tao sa labas. Oblivious sila sa nangyayari sa ‘min.

Umuwi kami ng mga 1pm para makapahinga at makaligo. Pag-uwi ko, nandito si Papa, di pumasok, may ubo. Gusto akong i-comfort ni Papa. Lahat inalok niya, pagkain, etc. Pagpasok ko sa kwarto, naiyak na ‘ko. Sandali lang, pinigil ko kasi. Baka marinig ni Papa, malungkot pa siya. Ang sakit pala. Sabi ko kay Papa, luluwas uli ako, babalik ako kay Galo. Sabi niya, magpahinga muna ako at bukas na pumunta. Di naman imposing ang pagkakasabi niya, malambing pa nga. Pero tumuloy pa rin ako kahit gusto niya ‘kong pigilan.

Pagdating ko sa St. Peter, nalipat ng room si Galo. ‘Yung una kasi, maliit lang ‘yung room na available. Puno daw kasi. Ang dami palang namatay. Maraming nagpuntahan sa burol ni Galo—mga kamag-anak, highschool at college friends, taga-GMA, taga-ABS. Di na nga kasya, puno hanggang lobby. Si John dumating ng mga 2am. Ayaw niya sana, ayaw niyang makita si Galo na nasa kabaong. Pero pinilit niya ang sarili niya. Natatakot kasi siyang maiyak. Ayaw daw kasing makakita ni Galo na may umiiyak. Pag umiiyak daw siya sa harap ni Galo dati, aasarin pa siya nito at icha-challenge. Ganon nga si Galo.

Mga 8am, Tuesday, March 11, umuwi muna kami. May 6pm presentation pa kasi ang team ko sa Komiks. May transport strike pa nga eh, pero madali naman akong nakauwi. Pagdating ko sa bahay, di uli pumasok si Papa, pati si Mama, dahil strike. Paghiga ko, umiyak na naman ako. Pero pinigil ko, baka kasi marinig ni Mama, baka magtanong. Hindi pa ‘ko handang magkwento. Pero nagtanong pa rin si Mama, ilang taon na raw si Galo. Kako, 38, bakit. Kwento niya, kagabi raw, nakalagay sa Palos, “in loving memory of Galo Ador, Jr., May 19, 1969-March 10, 2008.” Bata pa pala siya, comment ni Mama, tapos umalis na. Buti na lang, ‘yun lang ang tanong niya. Sandali lang ako nakatulog, mababaw pa. Paggising ko, umiyak uli ako. Sa banyo, umiyak ako. Pati habang nagbibihis, maski sa biyahe. Kebs sa mga tao, di naman kami magkakakilala.
Pagdating ko sa presentation, mugto ang mata ko. Napansin pa ‘yon ni Rondel, creative manager namin. Tanong pa ng tanong, para ‘kong niloloko. Sabi niya, wag na raw akong malungkot dahil gusto naman daw ‘yon ni Galo. Lagi daw niyang sinasabi na maaga siyang mamamatay. Oo nga. Sinasabi rin niya na kung mamamatay, eh di mamamatay. Naalala ko ‘yung txt ni Joyce, friend namin ni Galo, siguro daw kaya gumive up na si Galo kasi para sa mga ampon niya. Lalaki pa ang bill sa ospital pag nanatili pa siya dun. Kaya imbes na mapunta sa ospital ang pera niya, sa mga bata na lang.
Maraming dumating sa 2nd day ng burol. May mga artista—sina Cesar, Jake, Bangs, Robin, Baron. Pati ‘yung ibang tao nakiusyoso na kay Galo. Imbes na burol, naging fans’ day of sorts. Sabi ni Joyce, malamang daw masaya si Galo sa bagong concept na nabuo niya—Palos versus Bordado. Natawa ako. Anubanamanyan, hanggang kabilang-buhay gumagawa pa rin ng kwento si Galo! Dumating din ang mga direks at mga boss ng ABS at GMA. Nag-offer ang ABS na sagutin lahat ng gastos sa ospital at pagpapalibing kay Galo.

Nakilala ko ‘yung mentor ni Galo na si RJ Nuevas, taga-GMA. Nilapitan ko siya talaga para magpakilalang trainee ni Galo. Mukha akong fan. Nasabi ko tuloy kung anong show ang ginagawa ko ngayon. Isang booboo dahil secret ‘yun. Tsk! Pero sabi ni RJ, ayos lang daw ‘yon kasi ganun din naman sila ni Galo, nagsasabihan ng secrets ng mga network. Hehe! Ang booboo naman daw ni Nix eh ‘yung iyak siya ng iyak. Narinig tuloy niya na may nagtanong kung sino siya. Baka akalain may relasyon sila ni Galo.

Cause of death. Hindi ko rin sigurado kung ano talaga ang dahilan. Complications? Heart attack? Ito ang pinakamadaling sagot sa mga nagtatanong. Pero ayon sa kwento, nang isugod ni Tio si Galo sa ospital, sabi ng doktor, ay blood clot ang left leg ni Galo. Kailangan daw operahan. Sa ibang version ng kwento, may amputation pang involved. Nang marinig ‘yon ni Kalbo, nag-panic siya. Dito ‘ata inatake. Kaya siguro binutasan pa ang leeg niya dahil hindi na kaya ng respirator. Ayon sa mga dumalaw kay Galo, nung makita nila ang butas sa leeg, pag ganun daw, mahirap nang maka-recover. Hinihintay ng mga doktor na mag-stabilize ang BP ni Galo para maoperahan ang blood clot sa leg. Kaso, hindi na nag-stabilize.

Kinaumagahan ng Wednesday, March 12, hinatid namin ni Nix ng tanaw si Galo na papuntang airport going to Samar. Nakakabaong si Galo na binalutan ng tela, hindi ‘yung tulad sa mga pelikula na nakakahon—crate. Sabi nung maghahatid, mas magaan kasi pag tinimbang sa plane ang kabaong, kesa sa crate. Pag barko ang sasakyan, ‘yung crate daw ang ginagamit. Baka pumunta rin kami sa Samar pagkalibing niya. Gusto nga sana namin makita ‘yung libing mismo kaso hinihintay pa namin umuwi from Dubai si Tristan, trainee rin ni Galo sa Panday, at si Aloy from New York naman, senior writer ng Panday na matalik na kaibigan ni Galo.

Dumirecho kami ni Nix sa ABS para magpa-pic para sa bagong ID. Ayos. Mugto ang mata sa pic. Remembrance ni Galo. Busy lahat ng mga tao. Kami ni Nix nag-wallow maghapon. Pano pa kaya ang pamilya ni Galo? Pano pa kaya si Tio na partner niya for 10 years? Lahat ng gamit ni Galo iuuwi ng Samar, sa pamilya niya. Wala masyadong natira kay Tio. Sino lang ba siya, jowa lang siya. Matensyon. Di tanggap ng pamilya si Tio. Bukod kasi sa gay relationship at May-December affair (mas matanda si Tio), malayong kamag-anak pa si Tio (malayong tiyuhin, kaya “Tio”). Nung una pa nga, di sure kung sasama si Tio sa Samar. Ayaw naman daw niyang mag-impose. Naghihintay lang siya ng aya sa mga kapatid ni Galo. Pero mukhang ox na. Pupunta siya sa Sunday. Malamang idi-distribute daw ang mga ampon ni Galo sa mga pinsan at kapatid. Sa March 18 ililibing si Galo.

Siguro happy na rin si Galo dahil makakasama na niya ang parents niya. Siguro sila naman ang sumundo kay Galo.

Ang aga. Siguro ayaw niyang umiyak kaya nauna na lang siya sa ‘min.

“Kung ang lahat ay may katapusan
Itong paglalakbay ay makakarating din sa paroroonan
At sa iyong paglisan, ang tanging pabaon ko ay pag-ibig”


In Memoriam
Galo Tabinas-Ador, Jr.
May 19, 1969-March 10, 2008

Friday, April 11, 2008

Si Mama at ang Ocean Park



Simula nang mabalita ang bagong bukas na Ocean Park sa Manila ay nagpaparinig na si Mama na gusto niya pumunta ron. Kaso daw mahal, P400 isa. Ako naman, "talaga? Sige punta tayo pag may time na 'ko..." Naisip ko kasi, sa dami ng mga panlilibre niya sa 'kin, it's time na ako naman ang mag-treat sa kanya. Kaso lagi naman akong walang time dahil sa work. Tapos narinig ko na di pa daw gaanong maganda sa Ocean Park dahil konti pa lang ang mga fish. So nausod ng nausod ang plano. Salbahe rin kasi ako. Iniisip ko, naku, di ako makakapagyosi pag kasama si Mama! Hehe! Oo na, masama na 'kong anak.

Isang araw, long weekend 'yon, nung nilipat yung Araw ng Kagitingan ng Lunes, naisip ko, why not ituloy na ang plano? Nasa bahay din nun si Ninin at kinukwento niya na nagpaalam na daw siya sa TL niya na magre-resign na siya. Nagsu-swimming kaming tatlo nun sa aming newly-bought "swimming pool" (malaki siya, pang-adult, sarap magbabad), nang i-bring up ko yung topic. "Gusto n'yo mag-Ocean Park bukas?" Malalaking ngiti ang sinagot nila sa 'kin. Ang sarap.

Habang dinner, inaya ko naman si Papa. Masaya yon, buong pamilya kaming maglalakwatsa. Kaso sabi ni Papa, nakita na raw niya yun, sa Japan. Mas marami pang fish. Oo nga pala, nagpunta siya dati sa Japan. Walang panama ang Ocean Park natin dun sa Ocean Park ng Japan. Okay. Tsaka homebody naman talaga si Papa. Masaya na siyang manood ng CSI, House, Lost at kung anu-ano pa. Ika nga ni Mama, si Papa ay isang couch potato.

Monday kami nagpunta. Namroblema pa nung una si Ninin sa TL niya. Di kasi siya sinasagot nung nagpaalam siya na di papasok. May 1 month ek pa kasi siya after ng resignation. Gusto sana niyang maging malinis ang records niya kahit pa resigned na siya. Ewan ko ba dun. Anyway, nag-LRT kami to UN tapos naglakad to Luneta. Sabi ni Mama, dati daw di pa gaanong mapuno sa Luneta. Maganda raw yun pag gabi kasi bukas ang fountain at may dancing lights pa. May kakumpetensya na rin pala si Rizal dun. Di na lang siya ang bida. Andun din si Lapu-lapu. Kala ko sa Cebu lang siya may monumento. But no! Mali ako dun. Ang layo ng nilakad namin. Pano, sinimulan naming maglakad mula sa mapa ng Pilipinas papuntang Grandstand kung san nasa likod nun ang pakay namin. Basa ang kilikili. Hehehe!

May nakita kaming barko na hotel at resto. Ito siguro yung kinwento ni She na sinakyan nila dati nung nag-ENG sila. Pagdating namin dun, andaming tao! Andaming bata! Andaming handang magbayad ng P350/kid at P400/adult! Pagpasok namin sa loob, andaming monoblock chairs! Andami ring taong nakaupo dun, naghihintay ng number nila para bumili ng ticket. Buti dala ni Mama ang senior citizen ID niya, at walang pila sa lane na yun na intended for them. Yehey!

Sosyal ang CR nila. Masikip pero may sensor ang bowl, automatic na nagfa-flush pag tumayo na ang gumamit. Ayuz!

Anlalaki ng mga fish! May mga pasikat ding fish, nage-exhibition sa paglangoy. May drizzling falls, tamang-tamang pampalamig sa mainit na panahon. May mga baby sharks at starfish na pwedeng hawakan wag lang ili-lift. Pero yung Manong binaligtad pa yung starfish para makita niya yung ilalim. Lagot tuloy siya dun sa nagbabantay (pero nakitingin din naman kami, hehe). Iba-ibang lamandagat, iba-ibang design at sukat ng aquariums, iba-ibang camera ng mga tao. Bawal ang flash sa loob. Nakaka-stress daw yun sa mga isda. Pero marami pa ring pasaway na nangi-stress ng mga fishie.

Tuwang-tuwa kami. Para kaming mga bata na nakikisiksik sa mga tunay na bata para mapiktyuran ang mga fishy. (see pix here) Natuwa ako dun sa Pampano kasi minsan ulam daw namin yun. Naging LSS ko na nga yun e. Pampano! Tapos may aquarium tunnel din. Lumalangoy sa taas namin yung mga fishie. Meron pa nga ron yung mga pagi, kitang-kita naming bumubuka yung mga gills sa ilalim nila. Hihihi! Tapos sa pinakataas may Fish Spa. Kakainin ng mga fishie yung paa mo. Hehe! Hindi. Parang yung mga kalyo mo lang, tapos maliliit na fish lang ang kakain. Gusto sana i-try ni Ninin kaso parang nakakakiliti naman yun, baka masipa yung mga fish. Tsaka maghihintay pa ng turn mo para magpakain lang ng paa. Andami din kasing sumusubok. Baka busog na rin yun mga yon. Kakain na lang sana kami dun sa resto ng Ocean Park kaso P600 each e. Wag na lang.

Go na lang kami'ng SM Manila since di pa rin nakakapunta dun si Mama. Dun kami sa Greenwich nag-lunch. Na-overeat ata kami kasi feeling namin gutom na gutom kami.

Pag-uwi namin, inaya ko si Ninin mag-stroll. Akshuli, para makapagyosi. Hehehe!

Pampano!



Ngayon na lang uli ako napadpad ng Greenbelt



Mineet ko si Marianne last Thursday sa Greenbelt. Meeting place namin, as usual, Powerbooks.

Iba na pala (ng konti) ang Greenbelt. Naputol ang overpass na may escalator na nasa gilid ng Landmark. Napunta na siya sa harap ng Landmark, tapat ng Tower Records ata yun. In short, umiksi ang overpass. Pero dedma kahit pawisan. Excited naman ako makita si Marianne. Sobrang tagal na naming di nagkikita. Di ko na maalala yung last time. Parang nung dati pang pinakilala niya sa 'kin si Glenn. Tapos ngayon ikakasal na sila. Kaya kami magmi-meet e para ibigay niya sa 'kin ang invitation para sa kasal nila na sa Naga gagawin. Kung may kasama lang ako papuntang Naga, pupunta sana 'ko. Kay Aprillette nga na sa Quezon ginanap ang kasal, at si Cot na sa San Jose Del Monte pa, naka-attend ako. Pero may kasama 'ko, si Adz at Nympha. Nasan kaya yung dalawang yon? Sila kaya ayain ko? Na-guilty na naman ako kasi di ako naka-attend sa civil wedding ni She na pari ang nag-officiate. Alam ko naman naintindihan niya kung bakit. Dumaan kasi ako sa isang mabigat na sitwasyon nun. Di bale, bawi ako sa kanya sa church wedding. April 18 ang kasal ni Marz.

Nag-dinner kaming tatlo, kasama si Glenn, sa Oody's. Syempre, healthy food ang nilafang namin. Di nawala ang tokwa sa course, tapos pritong hito at kangkong. Masarap naman. Sabi ni Marz, kung sure sana 'kong pupunta, may role sana ko sa kasal niya. Si Mama nga rin (Tita Joey), gusto niya kuning ninang. Kaso dahil di rin siguradong makakapunta, at kukuha pa ng proxy, iba na lang ang kinuha. Kaya nga pala "Tita Joey" kasi niloko namin ni Mama dati si Marz. Txtm8s sila noon at ito ang alyas ni Mama, "Joey". Hehehe!

Napagkatuwaan namin pumose ng ganito ni Glenn---Koreans kuno, kahit Thai cuisine ang Oody's. Hehehe!

Nakakatuwa silang mag-jowa. Laging nagjo-joke si Glenn, at kahit corny, bentang-benta ito kay Marz na napakabungisngis. May bahay na pala sila sa tahimik daw na part ng Makati. Dalaw daw ako sa kanila minsan.

Natanong ko, "mag-aanak na ba kayo agad?" Sagot nila, "pag sinipag..." Nice one.

Thursday, April 10, 2008

Nagtika sa Boracay



All work and no play? Nah! Kala nyo lang yun. Kahit may dala kaming work sa bakasyon na 'to, di kami pumayag na di mag-enjoy. Ang ebidensya--> pix here.

Sa kalasingan ko, na-beso ko si Sir Deo, bosing ko na di ko naman ka-beso sa real world. Astig! At least, kahit man lang minsan nagpantay kami ng level. Hahaha!