Monday, April 14, 2008

Paglisan (a long overdue tribute)

Na-realize ko, kaya pala ng cellphone ko na mag-type ng ganito kahabang message. Walong txt ang rumegister sa Sent Messages ko.

Ito ang pagkahaba-haba kong txt sa lahat ng mga nagtanong kung ano’ng nangyari kay Galo.


Wednesday, March 5, nag-meeting sila Nix at Jason, creative team ng Palos, kina Galo. Maya-maya, pumasok si Galo sa kwarto niya. Inaatake. Nung sumilip sina Jason sa kwarto, nag-thumbs up lang si Galo habang nakahiga at nagpapahinga, ox daw siya. Kwento ni Manang Tessie, yaya ni Galo mula pa pagkabata na katulong nila ngayon, nakadipa daw si Galo sa higaan nung nakita niya na inaatake. Inupo daw nila para malagyan ng Vicks at masahiin. Tapos umokey na. Sabi daw ni Galo, nung mga panahong inaatake siya, wala daw siyang nakikita o naririnig, parang nawalan siya ng malay. Pero ox na siya ngayon.

Saturday, March 8, nag-SM sina Galo at Monique, anak ni Tio—asawa ni Galo. Namili sila ng rice cooker at lutuan ng pancakes. Mahilig kasi magluto si Galo, maeksperimento pagdating sa kusina. Kwento ni Monique, tinarayan pa nga raw ni Galo 'yung cashier na ginagawa lang naman ang trabaho nito. Ino-offer-an kasi siya ng SM Advantage Card. Eh hindi naman naniniwala sa ganon si Kalbo, maski SSS nga wala siya.

Kinagabihan, nahiga si Galo sa papag nila sa bahay. Presko kasi dun. Sumunod si Tio. Dun na lang daw siya sa sahig basta katabi si Galo. Hindi kasi nakakatulog si Tio nang di katabi si Galo. Tinaas pa niya sa sandalan ng papag ang right leg niya, pa-relax baga. Maya-maya, namanhid ang kaliwang binti niya.
Nasa Starbucks kami noon ni Dindo. Katatapos lang ng meeting namin at nagre-relax na. Naka-receive ako ng txt mula kay Mamu—Julie Ann Benitez, production manager ng Deo Unit. Forwarded from Tio. "Please pray for Galo. He's in critical condition." Tinext ko si Nix kung kelan kami dadalaw kay Galo sa ospital. Tumawag naman siya sa 'kin, umiiyak, natatakot. Hinihintay daw niya ang tawag ni Galo kung tapos na ang treatment ng week 9 ng Palos para i-script na niya. Nakatulog daw siya at di naabutan ang tawag ni Galo. Tumawag daw uli pero hindi sinasadyang na-reject niya. Pagtawag niya, si Tio na ang sumagot. Itatakbo na raw si Galo sa ospital dahil nga namamanhid ang binti. Nagpa-panic si Tio nun. Pagkababa ng phone, naghintay na lang si Nix ng gagawin. Sanay na kasi kami kay Galo na sakitin, dinadala sa ospital, inaatake tapos nakaka-recover naman. Naka-receive uli ako ng txt—VERY critical na raw si Galo. Tulala na 'ko kay Dindo. Pina-explain ko pa sa kanya ang meaning ng critical para sigurado. Sabi niya, 50-50. Di pa rin ako makapaniwala. Malakas at determinadong tao si Galo sa pagkakakilala ko.
Plano namin ni Nix dalawin si Galo kinabukasan. Kaso, gabi na rin kami nakadalaw kasi tinapos pa namin ang mga work—nag-revise pa si Nix ng week 8 script, ako gumawa ng Perry-Lance track ng Kapitan Boom for Komiks.

Dumating kami ng Heart Center ng mga 8pm, Sunday, March 9. Andaming aparato sa tabi ng kama ni Galo. Minamasahe ang mga binti ni Galo nina Ate Susan, bunsong kapatid ni Galo, at 2 boys na pamangkin ni Galo. Para siguro mag-circulate ang dugo. Nakatingin lang sa kisame si Galo, taas-baba ang ulo habang humihinga. Bukod sa respirator niya sa bibig, meron din siyang butas sa leeg. Naroon na si John, bestfriend ni Galo. Sinabi niya kay Galo na naroon na kami ni Nix. Hindi siya nag-respond. Sabi ni John, kaninang umaga pagdating niya, kinawayan pa siya at tinignan ni Galo, nagre-respond pa. Ngayon, hindi, pero conscious pa raw siya. Dumating na rin sina Mamu. Umiyak agad siya nang makita si Galo. Mataas ang BP ni Galo nun. Napansin ko yung machine na pangkuryente, yung ginagamit sa pang-revive—andun, may gel pa na nakadikit. Hinala ko ginamit. Natakot ako—kung ginamit, ibig sabihin, muntik mamatay?

Lumabas na kami ni Nix ng kwarto to make room for other guests. Andaming bumisitang mga friends, pati si Sir Deo. Tapos pumasok uli ako. Ang daming doctor. Narinig ko, sabi nung isa, "di ba nag-arrest 'to?" Nag-arrest? Ito ba yung medical term sa condition kung saan ginagamit 'yung machine pangkuryente tapos sasabayan ng sigaw na “Clear! Tsug! Tooot?” Nag-agaw-buhay nga ba si Galo? Syempre, kay Nix ko lang nasabi ang hinala ko. Alangan namang itanong ko kay Tio, salbahe ko naman nun. Sabi ni Nix, di naman daw siguro. Baka naka-ready lang. Ba’t naman naka-ready?! Ibig sabihin, may possibility na mag-agaw-buhay? Eh ba’t may tirang gel na nakapahid? Nag-argue pa kami nun.

Nilagyan ng tube sa bibig si Galo. Parang lumagpas sa lalamunan niya kasi para siyang naduduwal habang pinapasok ‘yung tube. Maya-maya, may lumabas na brown liquid. Mula ‘ata sa lungs niya ‘yon—may tubig ang lungs niya. Akala ko ba, ox na ‘yon, clear na ang lungs, eh ba’t ganon na naman? Nagka-spot siya sa lungs dati. Nagpa-doktor na siya at umayos na uli, luminis na kumbaga ang lungs niya. Kaso, after ilang months, o a year din ‘yon, bumalik uli siya sa pagyoyosi. Tigas-ulo.

Constantly, minamasahe siya, hoping na umayos ang circulation ng dugo niya. Sabi ng doktor, malapot na raw ang dugo niya. Diabetic kasi siya. Maraming sakit si Galo, matagal na naming alam ‘yun—sakit sa puso, namana niya sa tatay niya; diabetes, kinamatay ng nanay niya; lungs, siya na ‘ata ang may kagagawan.
Mga 12mn, wala nang mga bisita. Natira kami nina Nix, Tio, Ate Susan at ‘yung dalawang pamangkin. Bumaba muna kami ni Nix sa lobby para mag-work. Siya, gagawa ng treatment ng week 9 ep ng Palos, ako, pagpapatuloy ko ang assignment sa Komiks. Pero di ako makapag-work, di ako mapakali. Mga 1am, nag-aya akong magyosi sa labas, sa may gate ng Heart Center. Nagkape na rin kami. Kwentuhan kami ni Nix ng mga experiences with Galo, pangyayari sa Palos, etc. Tapos, mga 2am, umakyat na kami para kumustahin si Galo. Nasa hallway na kami nang tumawag si Papa Jake. “Asan kayo? Alam n’yo na ba? Patay na si Galo.” Nagulat kami. Di ako makasalita habang tumatakbo kami papunta kay Galo. Tangina talaga.

Pagdating namin, sinalubong kami ni Tio. Naiyak na lang sina Tio at Nix. Ako, di makaiyak. Hoping pa rin ako na hindi totoo ang lahat. Pagpasok namin sa room, naroon pa si Galo, bahagya pang bukas ang bibig at nakadilat ang mga mata. Di ako makalapit. Wala na dun ang ibang mga machine, pati ‘yung fibrilator. Tinawag ako ni Nix para lumapit. Inaayos na ng mga nurse si Galo. Binabalot na siya ng kumot. Mainit pa siya nung hinawakan ko ang braso niya. Gusto naming ipikit si Galo, pero di kami nagkalakas ng loob. Iniisip ko, para kay Tio ang moment na ‘yon. Kay Nix, hindi niya rin magawa, nakahawak lang siya sa ulo ni Galo. Nakita ko, may dugo sa kumot. Nagsuka ‘ata si Galo ng dugo. Pero wala na ‘kong lakas para magtanong kaninuman. Lumabas si Nix, di na niya nakayanan. Si Tio na nakasilip lang sa pinto, di na rin kinayang panoorin si Galo. Ako na lang ang umoo nung babalutin na ng tuluyan si Galo. 1.45am siya namatay, Monday, March 10.

Nakatulala lang ako sa bintana habang nakahawak sa hita ni Ate Susan. Gusto ko siyang i-comfort pero gusto ko ring sipain ‘yung bintana. Nasa baba lang kami kanina. Ba’t late kaming umakyat?

Sumama kami kina Tio sa bahay. Kailangan nila ng suporta. “Kamusta?” salubong ni Manang Tessie sa ‘min. Di kami makasagot ni Nix. Nag-txt brigade na kami sa lahat ng posibleng kakilala ni Galo na may number sa ‘min habang sinasabi na ni Tio sa lahat ang bad news. Nakita namin kung pano umiyak ang mga batang pamangkin na ampon ni Galo. Narinig namin kung pano pumalahaw ng iyak si Manang Tessie. Kami na sana ni Nix ang pupunta sa St. Peter para ayusin ang service for Galo kasi tumaas ang BP ni Tio. Pero wag na lang daw, sila na lang. Kinomfort na lang namin sina Monique at Manang Tessie, inaliw. Kinuwento nila ‘yung magagandang ginawa sa kanila ni Galo. Na parang may premonition na. Na nung xmas daw, pabirong sinabi ni Galo na huling xmas na niya ‘yon kaya gusto maganda lahat. Na nagpakwento daw ng mga masasayang bagay si Galo. Na nagpatugtog ng malakas at nagsayawan at nagkantahan daw sila bago nangyari ito. Na niyakap ni Galo si Tio ng walang dahilan nung isang araw. Etcetera. Nakakalungkot. Gising na si Marie, ‘yung batang pinakapaborito ni Galo. Alam na niya ang nangyari. Niyakap namin siya ni Nix tapos inaliw. Di ko siya nakitang umiyak.

Pagdating nina Tio, naupo siya sa may dining. Maya-maya, humagulgol. Napayuko na lang ako habang pinagmamasdan si Marie na nakatingin kay Tio. Nang mahuli niya ‘ko, ngumiti siya—ang tatag ng batang ‘yon. Inayos ni Tio ang flight to Samar. Dun dadalhin si Galo after ng 2-day wake niya sa QC. Dumating si Jason. Namili kami ng pagkain for the wake. Lahat ng kanta sa taxi nakakaiyak. Si Nix, iyak ng iyak. Ako, di makaiyak. Tinitignan ko lang ang mga tao sa labas. Oblivious sila sa nangyayari sa ‘min.

Umuwi kami ng mga 1pm para makapahinga at makaligo. Pag-uwi ko, nandito si Papa, di pumasok, may ubo. Gusto akong i-comfort ni Papa. Lahat inalok niya, pagkain, etc. Pagpasok ko sa kwarto, naiyak na ‘ko. Sandali lang, pinigil ko kasi. Baka marinig ni Papa, malungkot pa siya. Ang sakit pala. Sabi ko kay Papa, luluwas uli ako, babalik ako kay Galo. Sabi niya, magpahinga muna ako at bukas na pumunta. Di naman imposing ang pagkakasabi niya, malambing pa nga. Pero tumuloy pa rin ako kahit gusto niya ‘kong pigilan.

Pagdating ko sa St. Peter, nalipat ng room si Galo. ‘Yung una kasi, maliit lang ‘yung room na available. Puno daw kasi. Ang dami palang namatay. Maraming nagpuntahan sa burol ni Galo—mga kamag-anak, highschool at college friends, taga-GMA, taga-ABS. Di na nga kasya, puno hanggang lobby. Si John dumating ng mga 2am. Ayaw niya sana, ayaw niyang makita si Galo na nasa kabaong. Pero pinilit niya ang sarili niya. Natatakot kasi siyang maiyak. Ayaw daw kasing makakita ni Galo na may umiiyak. Pag umiiyak daw siya sa harap ni Galo dati, aasarin pa siya nito at icha-challenge. Ganon nga si Galo.

Mga 8am, Tuesday, March 11, umuwi muna kami. May 6pm presentation pa kasi ang team ko sa Komiks. May transport strike pa nga eh, pero madali naman akong nakauwi. Pagdating ko sa bahay, di uli pumasok si Papa, pati si Mama, dahil strike. Paghiga ko, umiyak na naman ako. Pero pinigil ko, baka kasi marinig ni Mama, baka magtanong. Hindi pa ‘ko handang magkwento. Pero nagtanong pa rin si Mama, ilang taon na raw si Galo. Kako, 38, bakit. Kwento niya, kagabi raw, nakalagay sa Palos, “in loving memory of Galo Ador, Jr., May 19, 1969-March 10, 2008.” Bata pa pala siya, comment ni Mama, tapos umalis na. Buti na lang, ‘yun lang ang tanong niya. Sandali lang ako nakatulog, mababaw pa. Paggising ko, umiyak uli ako. Sa banyo, umiyak ako. Pati habang nagbibihis, maski sa biyahe. Kebs sa mga tao, di naman kami magkakakilala.
Pagdating ko sa presentation, mugto ang mata ko. Napansin pa ‘yon ni Rondel, creative manager namin. Tanong pa ng tanong, para ‘kong niloloko. Sabi niya, wag na raw akong malungkot dahil gusto naman daw ‘yon ni Galo. Lagi daw niyang sinasabi na maaga siyang mamamatay. Oo nga. Sinasabi rin niya na kung mamamatay, eh di mamamatay. Naalala ko ‘yung txt ni Joyce, friend namin ni Galo, siguro daw kaya gumive up na si Galo kasi para sa mga ampon niya. Lalaki pa ang bill sa ospital pag nanatili pa siya dun. Kaya imbes na mapunta sa ospital ang pera niya, sa mga bata na lang.
Maraming dumating sa 2nd day ng burol. May mga artista—sina Cesar, Jake, Bangs, Robin, Baron. Pati ‘yung ibang tao nakiusyoso na kay Galo. Imbes na burol, naging fans’ day of sorts. Sabi ni Joyce, malamang daw masaya si Galo sa bagong concept na nabuo niya—Palos versus Bordado. Natawa ako. Anubanamanyan, hanggang kabilang-buhay gumagawa pa rin ng kwento si Galo! Dumating din ang mga direks at mga boss ng ABS at GMA. Nag-offer ang ABS na sagutin lahat ng gastos sa ospital at pagpapalibing kay Galo.

Nakilala ko ‘yung mentor ni Galo na si RJ Nuevas, taga-GMA. Nilapitan ko siya talaga para magpakilalang trainee ni Galo. Mukha akong fan. Nasabi ko tuloy kung anong show ang ginagawa ko ngayon. Isang booboo dahil secret ‘yun. Tsk! Pero sabi ni RJ, ayos lang daw ‘yon kasi ganun din naman sila ni Galo, nagsasabihan ng secrets ng mga network. Hehe! Ang booboo naman daw ni Nix eh ‘yung iyak siya ng iyak. Narinig tuloy niya na may nagtanong kung sino siya. Baka akalain may relasyon sila ni Galo.

Cause of death. Hindi ko rin sigurado kung ano talaga ang dahilan. Complications? Heart attack? Ito ang pinakamadaling sagot sa mga nagtatanong. Pero ayon sa kwento, nang isugod ni Tio si Galo sa ospital, sabi ng doktor, ay blood clot ang left leg ni Galo. Kailangan daw operahan. Sa ibang version ng kwento, may amputation pang involved. Nang marinig ‘yon ni Kalbo, nag-panic siya. Dito ‘ata inatake. Kaya siguro binutasan pa ang leeg niya dahil hindi na kaya ng respirator. Ayon sa mga dumalaw kay Galo, nung makita nila ang butas sa leeg, pag ganun daw, mahirap nang maka-recover. Hinihintay ng mga doktor na mag-stabilize ang BP ni Galo para maoperahan ang blood clot sa leg. Kaso, hindi na nag-stabilize.

Kinaumagahan ng Wednesday, March 12, hinatid namin ni Nix ng tanaw si Galo na papuntang airport going to Samar. Nakakabaong si Galo na binalutan ng tela, hindi ‘yung tulad sa mga pelikula na nakakahon—crate. Sabi nung maghahatid, mas magaan kasi pag tinimbang sa plane ang kabaong, kesa sa crate. Pag barko ang sasakyan, ‘yung crate daw ang ginagamit. Baka pumunta rin kami sa Samar pagkalibing niya. Gusto nga sana namin makita ‘yung libing mismo kaso hinihintay pa namin umuwi from Dubai si Tristan, trainee rin ni Galo sa Panday, at si Aloy from New York naman, senior writer ng Panday na matalik na kaibigan ni Galo.

Dumirecho kami ni Nix sa ABS para magpa-pic para sa bagong ID. Ayos. Mugto ang mata sa pic. Remembrance ni Galo. Busy lahat ng mga tao. Kami ni Nix nag-wallow maghapon. Pano pa kaya ang pamilya ni Galo? Pano pa kaya si Tio na partner niya for 10 years? Lahat ng gamit ni Galo iuuwi ng Samar, sa pamilya niya. Wala masyadong natira kay Tio. Sino lang ba siya, jowa lang siya. Matensyon. Di tanggap ng pamilya si Tio. Bukod kasi sa gay relationship at May-December affair (mas matanda si Tio), malayong kamag-anak pa si Tio (malayong tiyuhin, kaya “Tio”). Nung una pa nga, di sure kung sasama si Tio sa Samar. Ayaw naman daw niyang mag-impose. Naghihintay lang siya ng aya sa mga kapatid ni Galo. Pero mukhang ox na. Pupunta siya sa Sunday. Malamang idi-distribute daw ang mga ampon ni Galo sa mga pinsan at kapatid. Sa March 18 ililibing si Galo.

Siguro happy na rin si Galo dahil makakasama na niya ang parents niya. Siguro sila naman ang sumundo kay Galo.

Ang aga. Siguro ayaw niyang umiyak kaya nauna na lang siya sa ‘min.

“Kung ang lahat ay may katapusan
Itong paglalakbay ay makakarating din sa paroroonan
At sa iyong paglisan, ang tanging pabaon ko ay pag-ibig”


In Memoriam
Galo Tabinas-Ador, Jr.
May 19, 1969-March 10, 2008

No comments: