Monday, April 14, 2008

Dear Galo

Anukabanaman! Ba’t naman wala kang pasintabi? Di ka man lang nag-warning. Ginulat mo kaming lahat. Sana man lang nagpaalam ka na aalis ka na para may pabaon man lang kami sa’yo. Ano ba naman ‘yung, “O, shalala, una na ‘ko. Kayo nang bahala diyan.” Pwede namang ganon. Kaso ‘yung ginawa mo, kailangan talaga may gulat factor, ‘no?

Tama ba namang pinauwi mo lahat ng mga utaw, tapos kami ni Danica pinababa mo sa lobby, tapos sina Tio at Ate Susan pinatulog mo, saka ka nag-goodbye to the world? Ang unfair mo. Parang tinrick mo kami dun ah. Dahil ba ayaw mong makita namin ang paghihirap mo? Dahil ba ayaw mong kaawaan at iyakan ka namin? Ayaw mo bang i-cheer ka namin habang nakikipaglaban ka kay Kamatayan? Ano ka ba! Kakampi mo kami! Noon mo kami kailangan! Naroon lang kami! Pwede kang humugot ng lakas sa ‘min! Pwede mo kaming abusuhin nun! Kulang pa nga ‘yon sa lahat ng nagawa mo para sa ‘min. Ba’t hindi mo kami tinake advantage? Papayag naman kami eh! Ba’t ayaw mo ng tulong?

Salbahe ka. Ba’t ka kasi nagpakita ng care? Ba’t kasi nagtiwala ka sa talent ko kahit ‘yung iba wala namang bilib sa ‘kin? Ba’t mo kasi pinaramdam sa ‘kin na magaling akong magsulat? Ba’t sobra ang paninindigan mo sa ‘kin? Naalala ko, sabi mo, magtatagal ako sa ABS kasi matiyaga ako. Ikaw lang ang naniwala na magtatagal ako dun. Sa totoo lang, nung nag-resign ako sa isang show, ikaw lang ang kinatatakutan ko. Natatakot ako sa sasabihin mong, “ba’t ka naggive up?” Pero hindi, hindi mo pala ‘yon sasabihin. Hindi ka pala magagalit. Naintindihan mo pala ako—na minsan, pwede rin akong mapagod. Kahit hindi ko sinabi sa’yo ang dahilan, hindi ka nangulit. Kahit hindi ko ma-explain kung bakit ako napagod, hindi mo ‘ko pinressure na sabihin ‘yon sa’yo.

Bakit kasi patient ka sa ‘kin, sa ‘min? Pwede namang magalit ka na lang nung hirap ka nang turuan ako at tanggalin mo na ‘ko sa show mo. Pero ba’t di mo ginawa? Ba’t nanalig ka pa rin sa ‘kin na kaya ko? Nakakainis ka, pinaasa mo ‘ko na kaya ko, naniwala ako na kaya ko dahil sa ‘yo, tapos iiwan mo lang ako ng ganito. Hindi ko na tuloy alam kung may maniniwala pa sa ‘kin gaya ng paniniwala mo. Hindi ko na rin alam kung pag may nagsabi sa ‘kin na kaya ko, eh maniniwala ako sa kanila. Ikaw lang kasi ang genuine na nagsabi nun. ‘Yung iba, hindi ko alam kung may motibo lang.

Tangina ka, hindi man lang ako nakapagpasalamat sa’yo. Pano, feeling mo, ka-chummy-han lang ‘yon. Ewan ko ba sa’yo. Puro lang tuloy sorry ang nasasabi ko sa’yo, wala man lang thank you. Hindi man lang ako nakapagpasalamat na sinave mo ‘ko mula sa pagiging unemployed. Na binigyan mo ‘ko ng Lastikman sa pangalawa kong buhay bilang scriptwriter. Ng Panday na naging baptism of fire ko. Ng Reyna ng mga puso na hindi na-approved pero nagbigay sa ‘kin ng hope na meron pang susunod na show after BKK. Ng Palos na na-shelved tapos nabuhay uli, pero hindi na ‘ko kasama. Naalala mo nung ibibigay mo na ‘ko sa ibang show? First time akong umiyak sa harap mo. Bad trip ka, pinaiyak mo ‘ko. Kasi naman, hindi na ikaw ang magiging headwriter ko nun. Takot na takot ako. Sino nang iintindi sa pagiging tahimik ko, sa kabanuan ko sa brainstorming, sa basura kong bato na nire-revise mo sa utak mo in an instant para magamit kahit element lang? Wala. Kasi wala kang katulad. Sino nang magagalit dahil wala akong sense of anticipation, na dapat nagti-think ahead? Sino nang maiinis dahil wala akong initiative mag-take down notes at magbasa ng scripts? Wala nang magpa-pop quiz. Wala nang magpapakape ng chili coffee after the meeting. Wala nang manlilibre ng lafang. Wala nang manlilibre sa taxi. Kamusta ‘yung puro mga panlilibre mo ang naiisip ko. Ba’t kasi hindi ka maramot? Sana naging salbahe ka na lang at walang care sa mga tao para hindi na masakit ang pagkawala mo.

Alam mo ba, na-touched ako ng sobra nung sinabi mo sa ‘kin na ako ang bestfriend mong babae sa ABS, bukod kay John na bestfriend mong lalaki, sabi mo pa. Hindi ko alam kung san nanggaling ‘yon, o hindi ko na lang maalala ang pinag-uusapan natin nun, pero ‘yun lang ang tumatak sa isip ko. Tingin ko naman, di mo ‘ko binobola nun kasi di naman ikaw ‘yung tipong nambobola. ‘Tsaka ano naman ang mapapala mo kung bolahin mo ‘ko, di ba? Hindi ko akalaing ganon ang tingin mo sa ‘kin kahit hindi tayo laging nagkikita o nag-uusap. Salamat ha. Salamat talaga.

Sana marunong kang mag-blog para naman, if ever bored ka na diyan sa kinalalagyan mo, makapag-surf ka naman sa net at mabasa mo ‘to. Wala na ‘kong means para maparating sa’yo ang pasasalamat ko eh. At least, naka-save na ‘to sa web. Kapag kasi dasal, baka busy ka at hindi mo marinig. I’m sure, busy ka ngayon sa mga ina-attend-an mong reunion diyan with your parents. ‘Tsaka curious ka pa sa mga nangyayari sa afterlife. Pa-observe-observe ka lang, tulad ng ginagawa mong pagsusuplado pag first time mong ma-meet ang tao. Siguro, ‘yung mga kape nila diyan, hindi nakakapaso, na sa sobrang init eh pagpupunitin mo ang dala mong script, tapos itatapon mo sa basurahan, then maaalala mo na nandun pala ‘yung mga comments ng mga direktor. Katawa ka talaga ‘no?

Pano na nga pala ‘yan, in heaven daw, there is no beer, in your case, margarita? Tsk-tsk!

2 comments:

Anonymous said...

Hello. This post is likeable, and your blog is very interesting, congratulations :-). I will add in my blogroll =). If possible gives a last there on my blog, it is about the SBTVD, I hope you enjoy. The address is http://sbtvd.blogspot.com. A hug.

WRITER DAW said...

thanks for reading, sbtvd!