“Ang sarap magka-work.” ‘Yan ang sabi ko dati pagka-graduate ko noong 2002. Syempre, may sariling pera na, wala nang curfew, makakagimik na ng todo (although gumigimik naman kami ng barkada dati, hihingi nga lang ng pang-gimik kay Mama o Papa), pwede nang mag-boyfriend (pwede rin naman dati,
pero syempre ngayon, mas marami nang pagpipilian at mas yummy pa, imagine!). No
assignments, no term papers, no exams, no recitations. Yehey! Kaya, a week after
grad, job-hunting na kami ng barkada.
First target: Ang business district na sosyal — Makati (yes, feeling office/working girls). Tip: Wag magmataas na takong. Kumusta naman kasi ang mahahabang kalsada ng Makati? At ang akyat-baba sa underpass? At ang madalang na jeep at bus na nasa main road lang? In fairness, pinanindigan ng Makati ang pagiging sosyal, ang jeep nila, aircon!
Nakaistasyon ang mga jeep na aircon na dadaan sa kahabaan ng Ayala sa ilalim ng
MRT Ayala Sation (o ‘di ba, parang expert!). Anyway, wala akong luck sa Makati.
Pa’no naman, di namin alam na ang na-attend-an naming seminar ay magbebenta pala
kami ng encyclopedia. Kapag nakabenta kami ng isang set, saka pa lang kami
matatanggap. Tama ba naman ‘yon?
Para ring ganito ang nangyari nung
mag-apply ako sa Monumento. Ganung-ganon din ang nakalagay sa classified ads.
Wanted: Masscom graduates. Position: Office Clerk. Ayos sana kasi malapit lang
(Bulacan pa ‘ko nakatira, at least one ride na lang, di tulad sa Makati). So, go kami ng friend ko. Kaso mo, pagdating namin dun, eh di interview ‘di ba, tapos pinapasok kami sa isang room kung saan may nagle-lecture tungkol sa produkto ng kumpanya. Maya-maya, may pumasok na taga-HR at tumawag ng mga pangalan. Aba, di na pala sila tanggap. Nakahinga kami ng malalim ng friend ko, pasado kami sa interview. Yehey! Ting! End of Round 1.
Round 2. Sabi ng lecturer, kailangan daw naming ibenta ang produkto nila. Kahit installment ang bayad. Kahit sa mga kamag-anak na lang. Sasamahan daw kami ng mga Sales Reps na tutulong sa’ming mag-explain ng produkto. Ano ang produkto? Water purifier. Ano ba naman ‘to?! Ting! End of Round 2.
Ayos talaga ang mga classified ads.
Ang dami kasing prospects. Kung di ka mapili, magkaka-work ka talaga. Saka, iba
rin ang entertainment value nito. Example:Wanted: Accounting graduate.
Female. Stay-in. Single. No experience needed.
(Ba’t kaya ganon?) Joke lang po!
Nakasakto ako ng ad na ganito ang sinasabi: A Meycauayan-based company is in need of writers. Ayos. Writer daw at sa Meycauayan pa. Sa amin ‘to. Pero ang interview, sa Maynila gagawin. Ok lang. Ayun, pasado naman. School na may publishing house pala ang napasukan ko. Writer ako ng textbooks na
pang-elementary. English ang pinatira sa ‘kin. Di ko rin naman natapos dahil pinagawa naman ako ng Science magazine. Sige lang, kahit walang masyadong alam sa Science. Buti na lang pang-grade one, hehehe! Di rin nai-publish ang magazines. Ginawa naman akong proofreader. Isang taon din ako dun. Kaso gusto ko pang mag-grow (aka: mag-work sa Manila), kaya apply naman akong Editorial
Assistant sa Maynila, ‘yung may school din, pang-college naman. Proofing at editing din ang ginawa ko. Di na ni-renew ang contract ko kasi sabi nila magsasara na raw. Pero matagal pa bago sila nagsara. Naisip ko na lang, siguro
kasi panay ang late ko kaya ayaw na nila sa’kin, ayaw lang nilang ma-hurt ako.
Ewan ko ba. Parang tinatamad na ‘ko sa pag-eedit. Dumarating yata talaga
sa point na magsasawa ka sa ginagawa mo kahit ang ganda na ng kumpanyang
pinapasukan mo. Tapos parang routinary na lang ang lahat. And I was just 22.
Isang araw na nakatambay ako sa bahay, nakita ko sa isang ad sa TV na may scriptwriting workshop daw sila at si Ricky Lee ang mentor. Go ako. Imagine, Ricky Lee! Imagine, libre! Pagdating namin ng friend ko, ang number namin ay 1751 at 1752. Patay tayo diyan. Bilang pala ito ng mga taong nagpalista. Grabe, parang pila sa Wowowee. Tsk, tsk. Pero nagtyaga talaga kaming maghintay, pumila sa initan (para saan pa ang training natin sa Pila Uli Pila University ‘di ba?
Kaso, mahirap sumingit kasi by number eh). After ng essay-writing (written exam)
at interview (pawi ang pagod dahil sa cute na interviewer, mukhang model!), after two weeks ay tatawag daw sila kung pasado. Di na kami umasa kasi sa dami ba naman ng nag-apply, 3,000 plus yata, ay 30 lang ang kukunin. Good luck na lang sa ‘ting lahat. Pag-uwi ko sa bahay, tinignan ko ang image ni Jesus sa
pader. Nakangiti siya. Nalungkot ako. Malapit na ang pasko.
Pero, oo, tama kayo. Tinawagan nga ako. At si Ricky Lee talaga ang kumausap sa’kin.
Na-starstruck ang lola n’yo! Speakless talaga, phone pa lang ‘yun a (sadya po ito, kahiya naman, Journ pa naman ako, hehe!). Wala akong nasabi kundi, “talaga ho?” at “thank you ho.” Pagbaba ko ng phone, talon ako ng talon, sumisigaw pero walang boses, di ko mapigil. Si Ricky Lee! The Ricky Lee! Astig! Tinext ko ang
parents ko na nasa trabaho. Textback si Mama: Congrats! Alam mo ba pinag-pray
kita para makapasa ka dun. Lumabo ang paningin ko.
Ayun, two months din niya kaming tinuruan ng techniques sa pagsusulat ng soap opera. At sa bahay pa niya kami nagwo-workshop. Pwede kaming manood ng mga luma at foreign films na collection niya. Pwede kaming magbasa ng mga librong collection din niya. Pwede
kaming magbilyar. Pwede kaming makinood ng TV niya. Kung nakakahawa lang sa
pamamagitan ng paghawak sa mga gamit ang galing sa pagsusulat, hawang-hawa na
siguro kami. Napakabait, napaka-humble at hindi maramot sa kaalaman si Sir Ricky. Enjoy na enjoy ako. Feeling ko, nabuhay ang kagustuhan kong magsulat. Medyo naghingalo kasi siya nung na-frustrate ako at tinamad sa previous jobs ko. Pero ngayon, I felt revived. Ito na ang simula ng showbiz career ko! Ye!Parang 80s barkada movie ‘no? Parang Bagets nina Aga Muhlach. Si Jake Tordesillas na writer ng pelikulang Bagets naging mentor ko rin pagkatapos ng workshop at napasok na ‘ko sa show nina Robin at Juday (ayos sa name-dropping ‘no?). Isa ako sa mga huling in-assign-an ng show. Brainstormer ako. Buti na lang, trip ko ang show (namili pa eh ‘no?).Seq. 1.1. INT. HAGDAN SA TABI NG ISANG ROOM SA MASKOM. DAY.
Nakatambay ang mga sophomores na Barkadang Aanim-Pipito. Breaktime.
BERN (nagpapaypay)
Pagka-graduate natin, ano kayang papasukan nating
trabaho? Magkakasama pa kaya tayo?
GRACE (hinahaplos ang tutyang sa
buhok)
Ang hirap kasi sa Journ, napaka-broad. Kahit ano pwedeng pasukan kasi
lahat naman ng opisina may PR o Public Affairs o Information Division.
NYMPHA (nagsusuklay)
Anong mahirap dun? Madali nga kasi maraming choices.
MARIANNE (nagli-lip gloss)
E di hindi na tayo magkakasama-sama! ‘Yun ‘yon! Labo talaga nito.
Mapapakamot sa bagong
suklay na buhok si Nympha.
WENG (nagpupulbos)
Gusto kong magsulat ng nobela, ‘yung tulad sa pocketbooks.
SHERIDAN
(hahalukipkip sa pamaypay na plastic at kulay blue) Basta ako mag-aartista.
COT (hahagikhik)
E di ako magbabanda.
AIMEE (ngingisi)
Maghanap na lang tayo ng mayamang papa para hindi na natin kailangan mag-work.
LESLEY (hahampasin sa balikat si Aimee) Oo nga no! Tama!
Tawanan.
EDEN (tatayo, titingin sa camera)
Basta ako, gusto ko magkapelikula.
SHERIDAN
Mag-aartista ka rin? Naman!
EDEN
(lilingon kay Sheridan) Sira!
(kakausapin ang camera) Gusto kong maging scriptwriter.
Tatayo ang lahat at mata-transpose ang eksena sa beach kung saan sasayaw ang Barkadang
Aanim-Pipito ng Rico Mambo.
Masayang experience ang magtrabaho sa isang TV station. Syempre proud ang parents at friends ko pag pinapakilala nila ako na anak o kaibigan nilang nagtatrabaho sa TV. Proud din ako kasi proud sila sa ‘kin. Nakakatawa kasi kasunod nun, sasabihin ng mga tao, “eh di ang laki pala ng sweldo mo.” Nakakatawa kasi sinasabi ko rin sa isip ko, “sana nga, ‘di ba?” Pero ayos lang. Hindi man tulad ng regular job na may regular salary, masaya pa rin ako kasi ito ang gusto kong gawin. This is the dream. To brush elbows and cheeks with the pillars of show business. Kung nasa-starstruck ang mga tao sa mga artista, ako sa mga tao behind the camera. (Plastic! Plastic!)
Mahirap ang showbiz. Dapat matibay ang sikmura mo. Dapat makapal ang mukha mo. Dapat pasensyoso ka, magtiyaga. Hindi ka dapat mareklamo. Slowly but surely. Payo yan ng headwriter ko sa Panday na ngayon ay writer na ng Pedro Penduko at ng bagong pelikula ni Vhong Navarro na Agent X44 (pakisuportahan po. Nag-promote!). Kaya eto,
nagtityaga at nagpapasensiya pa rin ako. Nariyan kasing maramdaman mo na parang
lahat sila hindi naniniwala sa kakayahan mo. Wala silang bilib. Lalo na pag di ka naman bibo tulad ng iba na ang galing sa presentation, ang gagaling magsalita. Pati tuloy ako, nagduda sa sarili ko. Hindi na ‘ko sure kung kaya ko ba talaga, kung may talent ba ‘ko sa ganitong larangan. Mag-quit na lang kaya ako. Buti na lang may isang nagtaas ng kamay at naniwala, ‘yung headwriter ko ngang si Galo. Kahit isa man lang ang maniwala, ayos na ko dun. Taob na ang lahat ng mga dumedeadma sa’kin. Ang mahalaga kasi, may nakakita ng talent ko. Na
may naniwalang kaya ko. Naniniwalang kaya kong mag-survive.
Oo, mahirap din na sa araw-araw, kailangan mong i-prove sa lahat na magaling ka. Pero ganon talaga eh, lalo na sa showbiz. Kasi isang mali mo lang ngayon, wala ka na bukas.
Kamalian mo na lang ang tatatak sa mga tao. Kahit naman sa ibang trabaho eh. Kahit sa buhay.
Naalala ko, sabi ng isang prof namin dati, acting lang yan. Minsan, nadadaan lang talaga sa acting ang lahat. Ipakita mong matapang ka, na kaya mo, na may alam ka. Pero siguraduhin mong lahat ng bibitawan mong salita ay kaya mong panindigan. Or better, kung wala kang sasabihing maganda, just shut up. Wag nang manghamak o mang-apak ng iba para umangat. Mas magaan kayang umangat nang may malinis na kunsensya, ‘di ba?
Hindi naman talaga ako pang-showbiz eh. Una, hindi naman ako maboka. Pangalawa, hindi ako lalaki (hehehe! Marami kasing bading na boss na magbibigay ng magandang opportunities.). Pangatlo, first time kong magsulat ng script (wala akong nakaimbak na mga story concepts sa baul). Pero handa akong magtanong at i-admit na wala akong alam. Handa akong matuto. Wala namang bayad magtanong eh. Kesa naman sa magdunung-dunungan ka tapos wala ka namang binatbat. Ang mahalaga naman talaga ay ang attitude. Magaling ka nga, bad ka naman. Madaling turuan ang matino. Mas tumatagal ang walang sungay. Hindi applicable ang masamang damo equals matagal mamatay. Pagdating sa career, kung bad person ka, nag-uumpisa ka pa lang, patay ka na, wala ka nang career. Patience, motivation, love for work at willingness to learn. Yun lang naman talaga ang technique. Ikaw lang ang makakapagturo niyan sa sarili mo. Walang school o workshop. Ikaw lang. Basta, go lang ng go, ayos ‘yon.
Tuesday, February 5, 2008
Mula sa Baul.1
Nakita ko 'to sa isang inaagiw nang folder sa computer ko. Contribution ko 'tong article na 'to sa isang column for alumni ng bagong The Journ Post ng PUP Journ.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment